Buhay OFW, Buhay Artista
Sa mga hindi OFW, maaaring mahirap unawain ang mga sasabihin ko. Pero sa isang inang katulad ko, alam kong maaantig din ang inyong mga puso. Ang isasalaysay ko ay isang pangkaraniwang buhay ng isang ina, kapatid, at anak. Sa isang banda, sana'y kitilin ang inyong panghuhusga dahil lahat tayo'y nagkakamali. Ang mahalaga ay ang muling pagbangon at "muling pagkabuhay" upang maging isang pagpapala.
Noong taong 2008, niyaya ako ng isang kapwa guro sa Unibersidad na mangibang bayan upang mapabuti ang aming kalagayan sa buhay. Ako'y single parent noon, may isang Kolehio at isang Hayskul na anak. Bagaman maganda naman ang aking trabaho at may mga ilang mga proyektong pandagdag sa aming mga gastusin, ako'y nakikitira pa rin sa aking mga magulang. Ilang beses rin akong nagpaalam sa aking ama, at may mga panahong nakabukod na rin naman kami. Ngunit nang mga panahon na iyon, ang panganay ko ay nag-iisip nang maging isang doktor balang araw. Sa pagnanais na mabigyang katuparan ang mga pangarap ng aking mga anak, nagdesisyon na rin akong maging isang OFW sa Gitnang Silangan.
Kakalipad palang ng eroplano patungong Maynila, umiiyak na ako. Unang beses akong aalis ng bansa, unang beses mawawalay sa aking ng mga anak sa kanilang kaarawan, pasko, at nakakalungkot mang isipin, maging graduation.
Nasa ibang bansa ako, hindi ko inakalang napakalaki ng mga paliparan, at ang mga babae at lalaki ay magkahiwalay ng mga upuan. May mga babaeng nakabalot mula ulo hanggang talampakan at ang iba ay halos mata lang ang makikita. Sinundo ako at dinala sa isang gusali, kung saan naroon nag-aabang ang aking kaibigan at isang dalagita - mga kasama ko sa bahay o"flat" na aking tutuluyan.
Ilang araw pa lamang ay pinagsisisihan ko na ang aking pag-alis. Hindi ko makayanan ang lungkot at ang "stress" na malayo sa pamilya. Hindi ko makayanan ang init (Mayo ako umalis, umuulan sa Pilipinas, tag-init sa Gitlang Silangan, hating gabi na ay 38 degrees celsius pa rin). Hindi ko inakalang ang aking tuturuan ay ni hindi marunong bumasa ng Ingles at sumulat ng kanilang saring mga pangalan. Paano ako magtuturo ng leksyong pangKolehiyo kung ang mga estudyante ay ni hindi marunong makipag-usap sa lebel ng ikaapat na baitang?
Araw-araw yata akong umuuiyak. Linggo linggong tumatawag sa aking mga anak at mga magulang. Araw araw halos nangungulila sa kamila. Taliwas sa inaakala ng karamihan, wala ka talagang maiipon dito. Ang kinikita ko noon ay halos pumupunta lang sa bayad ng bahay, at pagpapadala ng pera sa aking mga anak.
Umalis ang ibang mga kasambahay ko, kasama ng aking kaibigan; dalawa na lang kaming naiwan sa bahay; at napilitang magpapasok ng mga estranghero. Naloko, nautangan, hindi binayaran. Mga kapwa Pilipinong nasa mas masahol pang kalagayan sa amin. May isang bwan pinaghatian namin ang halos dalawang libong pisong naiwan. Sa ibang bansa, ilang araw lang yun tatagal dahil mas mahal ang bilihin. Natuto kaming maglakad na lang pauwi para makatipid.
Ilang buwan pa at talagang di ko na makayanan. Nagpaalam na akong uuwi ng pasko. Pinayagan naman ako kasi mabait naman yung boss ko. Ang problema, mahal pala ang ticket pag Disyembre. Wala akong mahigit na singkwenta mil para makita ang mga anak ko ng sampung araw. Yun lang ang maibibigay na emergency leave sa akin. May pasok dito. Walang Pasko o Bagong Taon dito. Hindi ako basta basta makakauwi. At dahil nga wala akong perang malaki, hindi ako makauwi. Ang ginawa namin ng aking bagong roommate, pumunta kami sa Dubai kahit halos sapat-sapat lang ang pera namin para isang araw na pag-iikot.
Nakakalula ang laki ng mga gusali. Bawat lugar ay may Pilipino. Pero sa ibang bansa, parang di pala magkalahi ang mga Pinoy, kanya kanya. Bahala ka mabuhay mag-isa, bahala kang umintindi ng sarili mong problema. Lahat ng tao dito may kanya-kanyang problema.
Marso ako nakauwi, isang buwang bakasyon; tapos Setyembre; Pebrero ng susunod na taon at Agosto. Mabilis lumipas ang panahon. Madaming pagbabago at kasama nito ay ang kakayanang makabili ng mga bagay na dati ay tinitingnan lang namin sa mga malls. Siguro dala na rin ng pagnanais na mapunan ang pagkawala ko, lahat ng hiniling ng mga anak ko na materyal na bagay na maibibigay ko, binibili ko para sa kanila. Alam kong mas nakaipon sana kami kung naging mas maingat sa paghawak ng pera. Noon kasi, parang nakakaawa naman sila kung wala na nga ako, di ko pa maibigay ang gusto nila.
Nagsisimba naman ako, nag-aattend ng Bible study at nagdarasal. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, may mali pa rin sa buhay ko. Hindi pwedeng ang halos lahat ng bagay ay parte si Lord sa buhay mo. Ang gusto Nya ay ang kabuuuan. Na Siya ang Hari at Dakilang Dios ng buhay mo, ng buhay ko...
Matapos akong magsisi, manumbalik at humingi ng tawad sa Dios, ang kabutihan Nya at Awa ang nagligtas sa akin. Natuto akong mabuhay ng may pangarap muli, na maniwalang ako'y maganda sa Kanyang paningin, at mahal Niyang tunay.
Umabot ako sa punto na hindi ko na rin gustong masilayan pa ang isang umaga. Kawalan ng pag-asa, kawalan ng rason upang mabuhay. Hindi ko yun inaasahan. Ang tingin ng karamihan, nasa akin na siguro lahat ng kakailanganin at gugustuhing makamit. Ngunit bakit parang may kulang pa rin?
Ilang umaga ba ang kailangan para malamang ang buhay ay walang halaga kung wala ang Dios? Ilang gabi pa ang lilipas para maunawaan ng isang nilalang na ang dilim ay lumuliwanag lamang sa piling Nya? Walang yaman, kakayanan o tagumpay na magpupuno ng kawalan sa puso, na tanging si Jesus ang makakalunas at makapagbibigay ng uumapaw na pag-ibig, kaligayahan at kapayapaang di natitinag ninuman.
"Seek ye first His Kingdoma and His righteousness, and all these things shall be added unto you."
Jan 31, 2010, ikinasal ako sa Embassy, kasama ang aming Pastor at mag-asawang syang saksi sa aming pag-iisang dibdib. Hindi nagtatapos doon ang mga problema, pero kapag kasama mo si Lord, ang problema ay lumilipas at hindi kumikitil ng pag-asa.
Parang buhay artista ang pagiging isang OFW. Nakangiti ka kahit minsan napakalungkot mo. Nagpapadala ka ng pera sa pamilya mo kahit wala ka halos pagkain sa maghapon. Nagbibigay ng sangkatutak na regalo pag-uwi, bagaman wala ka halos bagong gamit sa maliit na kwartong tinutuluyan mo sa abroad. Paminsan minsan, tunay naman ang ligayang nadarama mo kapag yakap mo na ang kapamilya mo, yapos ang iyong ama't ina at mga anak. Ang isang taon ng lumbay ay napapalitan ng isang linggong galak kapiling sila. At sa pagbabalik abroad, may baon kang mga mangga, otap, pulvoron at maging bagoong, kasama ang sangdamukal na litrato at alaala. Kahit isang taon or dalawa man ang lumipas, babalikbalikan mo yun, para muling malimutan ang lungkot at sakit ng mawalay sa pamilya, makapagpadala ka man lang ng balikbayan box sa birthday ng anak mo. Yan ang totoo. Hindi biro ang pagiging isang OFW. Tibay ng sikmura (dahil yuyurakan ng ibang lahi ang pagkatao mo), tibay ng dibdib (dahil ilang ulit kang masasaktan dahil hindi pa rin kasya ang iyong padala), at tunay na pananampalataya (dahil ang Dios na Buhay lang ang tunay na makapagliligtas sa yo) ang kailangan mo para mabuhay sa ibang bayan.