Paglalakbay Tungo sa Paroroonan
Bakit nga ba kung minsan, nagiging libangan ang maglakbay? Marahil kung ikaw ay laki sa probinsya, nangangarap kang minsan ay makarating ng Maynila at mapuntahan ang iba’t ibang lugar na nakikita mo sa telebisyon. Kung minsan naman, ikaw ay laking Maynila at gusto mo namang makasagap ng sariwang hangin at mapuntuhan ang mga batis na dalisay, mga talon na tila nagbibigay ng kakaibang sigla at mga tanawing nakakapawi ng stress sa buhay. Iba’t- iba lang talaga ang ating buhay na kinagisnan at iniisip nating maaaring “Tila mas mainam ang damo sa kabilang bakod” (The grass is always greener on the other side of the fence).
Ako’y lumaki sa Maynila, pero ako ay mapalad dahil may inuuwian kaming probinsya at nang kalaunan, kami ay tumira sa Iloilo, kung saan ang siyadad at probinsya ay madali mong mapupuntahan araw araw kung iyong nanaisin. Nariyan ang mga tanawin ng kabundukan, ang bukid sa paligid ng bahay, ang dagat na maaari mong lakarin, at mga nagtataasang puno ng Eucalyptus sa harapan ng bahay. May mga iba’t ibang puno rin sa bakuran - mga saging, atis, mangga, papaya, atbp. Kung gusto mo namang manood ng sine, pwede rin kasi isang oras lang na byahe, nasa syudad ka na. May SM City, Gaisano Mall at sa susunod pang taon ay may Mega World na rin. Talagang progresibo at sadyang maunlad ang Iloilo. Pinaghalong makabagong teknolohiya, at ganda ng antigong kultura ang iyong makikita. Nariyan ang mga lumang simbahan, mga industriya ng paggawa ng palayok atbp, paghahabi o “weaving” at ang sikat na mga pagkain ng mga Ilonggo: pancit molo, bachoy, bai-bai, barquillos, atbp, maging mga pagkaing dagat tulad ng talaba, diwal, at iba’t-ibang klase ng isda; mayroon ding mga sinugbang baboy at manok, lechon sa kalsada ng Villa tuwing Linggo at mga samo’t saring kakanin at panghimagas na mabibili sa palengke at maging sa foodcourt ng malls. Ano pa nga ba ang hihilingin mo? Kung ang pangarap mo ay simple at tahimik na buhay, ang Iloilo na marahil ang tugatog ng buhay Pinoy.
Subali’t kung minsan, ang tawag ng paglalakbay ay muling madidinig, at parang di pa rin sapat ang lahat ng iyon at tila ganun na lang ang iyong nakikita at natatanaw araw-araw. Baka sa ibang lugar, may mas mabuting buhay, may mas mabuting trabaho, may mas mabuting mapupuntahan.
Ganun marahil ang dahilan kaya’t ang paglalakbay at turismo ay isang malaking industriya, saan ka man sa mundo.
Nakarating ka na ba ng Dubai? Sa mga hindi pa, tila isa itong paraiso sa mga magazine, tv at maging sa pelikula. Parang napakaganda talaga ng Dubai. Sabi nga nila, ito ang bagong “shopping hub” ng mga may kaya sa buhay. Lahat halos ng naisin mo, maaari mong mabili dito. Mula electronics, damit, sapatos, kotse, atbp. Pero sa totoo lang, iba ang sitwasyon pag doon ka na nakatira. Mahal ang bahay, mahal ang taxi, magastos at di naman gaanong kalakihan ang kikitain mo doon. Marahil kung mamamasyal ka lang, maganda nga ang Dubai dahil talagang naglalakihan at naggagandahan ang mga gusali doon. Naparaming mapupuntan, kaya’t kung marami ka namang pambili, hindi problema ang mag-enjoy doon. Subali’t kung ikaw ay ordinaryong manggagawa, kailangan kang maki-“sharing” na lang ng kwarto para makatipid. Tatlong pamilya sa isang maliit na kwarto ay maaaring magkasya. Kung binata ka, kahit siguro anim pwede pa, kung dalaga, ganun din. Kung sabagay pag nasa abroad ka, di mo na rin alam kung sino talaga ang may asawa. Lahat kasi “single” na pag di kasama pamilya. Pag uwi ng Pinas, ibang usapan na yon.
Pero ano nga ba ang makabuluhang paglalakbay? Saan ka ba talaga patutungo? Ang buhay ba ay magkakarugtong lamang na mga araw, kung saan naghahanap ka ng panandaliang kaligayahan o panandaliang lunas man lang sa sakit o pait ng iyong buhay? May iba pa bang mas mahalaga dito kaysa sa pagkakamkam ng kayamanan o pagkakaroon ng kaunting ginhawa man lamang sa buhay?
Maaga kasi akong nagkaroon ng responsibilidad sa buhay, kaya’t marahil, maaga ko rin kailangang maunawaan ang mga bagay-bagay. Minsan naiisip ko nga na ang mga napapanood natin sa “Maalaala Mo Kaya?” ni Charo Santos ay talambuhay ko rin, yun nga lang marahil, sampung kwento, lahat nangyari sa akin. Daig ko pa ang pusa na may 9 na buhay. Pakiramdam ko, di na mabilang ng daliri ng kamay ko ang dami ng beses na nabigyan ako ng ikalawang pagkakataon sa buhay. Ilang beses na naisip kitilin ang tinig at pag-iisip; ilang beses, gustong mamayapa, ilang beses nakalimot sa tunay na halaga ng buhay.
“You shall know the truth, and the truth shall set you free.”
“And whom the Son sets free is free indeed!”
Ang kalayaang makapag-isip, makapagsalita, makapahayag ng damdamin ay isang karapatang hindi natin naaappreciate hanggang ito’y wala na. Tanging ang kalayaang makapagdesisyon at makagawa ng tama o mali ang tunay na kalayaan dito sa mundo na inaabuso ng karamihan. “Ang kalayaan mo ay nagtatapos sa pagkitil ng kalayaan ng iba.” Ikaw ay malaya hindi dahil karapatan mo ito, kundi ito ay binigay ng Dios sa bawat isa. Buhay ang ibinuwis para sa kalayaang tinatamasa mo. Buhay ang kapalit para ikaw ay mamuhay ng sagana at may kalayaan.
Mahigit dalawangpung taon na ang nakalilipas, isang sanggol na ipinanganak sa isang dampa sa Bethlehem ay isinilang. Nabuhay sya sa isang lugar kung saan ang mga tao ay itinuturing na mga yagit, mahihirap at walang rangya sa buhay. Ngunit sa kanyang pagdating, tatlong hari ang bumisita, kabilang ang mga pastol sa bukid, sampo ng ng anghel sa langit, nagbubunyi, nagdiriwang sa pagsilang ng Hari ng hari, Panginoon ng mga panginoon, tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang pangalan Nya ay Jesus. Tatlong taon lamang ang kanyang pagtuturo at pag eebanghelyo. Tatlong taon na nagtapos sa isang malagim na hapon kung saan ang mundo ay nagdilim at tila ang sumpa ng sangkatauhan ay naipataw lahat sa Kanya. Ang pait, sakit, pangungulila at pagtatakwil ay Kanyang nadama. Ang lahat ng kasalanan ng bawat isa sa atin ay naipataw sa Kanya. At dahil doon, ni hindi sya gusto makita ng Kanyang Ama. Sa sandaling iyon, maging ang Dios Ama ay tumalikod sa Kanya.
Pero hindi doon nagtatapos ang kwento. Matapos ang ikatlong araw, muling nabuhay si Jesus at ngayo’y nakaupo sa kanang bahagi ng trono ng Dios Ama sa langit. At ngayon, at sa habang panahon,Siya’yating pupurihin dahil tayo’y malaya na! Malaya na tayo sa batas ng kasalanan at kamatayan. Nagkatawang tao Sya at nagbuwis ng buhay, upang tayo ay makaranas ng buhay na walang hanggan, kung saan sa langit ay wala ng luha, walang sakit o pait, wala nang pasakit! Sa pagpanaw ko, mayroon na akong kapayapaan, ngayong alam ko kung saan ako talaga patutungo.
Tayo ay dumadaan lamang dito. “We are just passing through!”